Arka
Tanging kidlat na lámang ang ilaw namin sa paglalakbay.
Mula sa bintana, sa bawat kislap ng liwanag, namimintog
Sa mga aral ng pangungulila ang panginoorin. Nagwawala
Ang uwak sa hawla. At kung ibubukadkad niya ang pakpak
Tíla anino ito ng haring nag-aabang ng kaniyang kamatayan
At magbibigay ng hulíng dekreto ng paglipol sa nasasakupan.
Nagpapalipas ng oras ang matandang kapitan sa pagbibiláng
Ng mga pares ng hayop. May ilan na siyang ginilitan matapos
Mamatayan ng kapareha. Walang puwang ang pagluluksa rito.
Notes:
Audio version performed by the author.
Read the English-language translation, “Ark,” and the translator’s note, both by Bernard Kean Capinpin.
Source: Poetry (December 2023)